Today's Punto
Today's Punto
Headlines
SA PAGKAKABALIK NG REBULTO
103rd kaarawan ni Magsaysay ginunita ng mga Zambaleños
By Johnny R. Reblando

Sep 03, 2010

CASTILLEJOS, Zambales – Ipinagdiwang ng mga Zambaleños noong Agosto 31, 2010 ang ika-103 araw ng kapanganakan ni dating Pangulong Ramon Magsaysay kasabay sa pagbabalik ng kanyang rebulto sa harapan ng pamhalaang bayan, dito.

Dito ay muling naibalik Ang dignidad ng Castillejos sa pamamagitan ng pagbabalik sa rebulto sa plaza na siyang simbolo ng paggalang sa isang dating pangulo ng bansa na taga Zambales.

Pinangunahan naman ni Zambales Governor Hermogenes Ebdane, Jr., ang isinagawang “unveiling” sa rebulto at pag-aalay ng bulaklak ni Pangaulong Magsaysay.

Nitong mga nakaraang buwan, maraming mga taga Castillejos ang nalungkot ng tanggalin ang rebulto ni Magsaysay at inilagay na lamang sa tabi ng kalsada.

Ayon kay Castillejos Mayor Jose Angelo Dominguez, ang pagkakabalik sa rebulto ng dating pangulo ay simbolo ng muling pagkakabuklod ng mga taga Castillejos.

Kung magugunita natin ang nakaraan, si Magsaysay ang ika-7 Pangulo ng Republika ng Pilipinas na nanilbihan bilang Pangulo noong Disyembre 30, 1953 hanggang Marso 17, 1957.

Siya ay isinilang sa Iba, Zambales noong Agosto 31, 1907 kina Exequiel Magsaysay at Perfecta del Fierro. Siya ay nagaral sa pamantasan ng Pilipinas at Jose Rizal College (pa noon).

Nang bumaksak ang Bataan, inorganisa niya ang “Pwersang Gerilya sa Kanlurang Luzon” at pinalaya ng pwersang Amerikano at Pilipino ang Zambales noong Enero 26, 1945 mula sa mga Hapones.

Noong 1950, bilang kalihim ng Pagtatangol, kaniyang binuwag ang pamunuan ng Hukbalahap.

Ayon sa mga historyador, pinakamahalagang nagawa ni Pangulong Magsaysay ay ang iligtas ang demokrasya ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagpigil ng paghihimagsik ng Hukbo ng komunista.

Maaalalang si Luis Taruc, Supremo ng Hukbo, ay sumuko sa kanya kung kaya tinawag siyang “Tagapagligtas ng Demokrasya”.

Nagwakas lamang ang buhay ni Magsaysay ng bumagsak ang kanyang sinasakyang eroplano sa bundok ng Manunggal, Cebu noong Marso 17, 1957.

Sa nasabing pagdiriwang, dumalo rin ang isa sa nalalabing mga naging kasama ni Magsaysay sa katauhan ni Tony Enriquez, 88-anyos at residente  ng Barangay San Agustin, Castillejos, Zambales na nagsilbing close in security ng dating pangulo.

Ayon kay Enriquez, natutuwa ito ng muli niyang makita at nakatayo na ang rebulto ng dating pangulo.

Idinugtong pa ni Enriquez na marami silang sikreto ng pangulo na hindi pa nalalaman ng ibang Zambaleños.

Kaugnay nito, pinasalamatan naman ni dating Zambales Governor Vicente Magsaysay ang mga dumalo sa paggunita ng kaarawan ng dating pangulo ng bansa.




Other Articles on this Category
Powered by:
TeamSoft Web Solutions